Araling Panlipunan 10- Isyu at Hamon ng Panlipunan
Araling Panlipunan 10- Isyu at
Hamon ng Panlipunan
Paksa: Ang Lipunan
Batayan sa pag-aaral ng mga isyu at hamong panlipunan ang pagunawa sa
bumubuo ng isang lipunan, ugnayan, at kanyang kultura. Ano nga ba ang ibig sabihin ng lipunan? Ang
lipunan ay tumutukoy sa mga taong samasamang naninirahan sa isang organisadong
komunidad na may iisang batas, tradisyon, at pagpapahalaga. Halos ganito rin ang pagpapakahulugan ng
ilang mga sosyologo tungkol sa lipunan.
Ilan sa kanila ay sina Emile Durkheim, Karl Marx, at Charles
Cooley. Tunghayan ito sa sumusunod na
pahayag.
“Ang lipunan ay isang buhay na organismo kung saan
nagaganap ang mga pangyayari at gawain.
Ito ay patuloy na kumikilos at nagbabago. Binubuo ang lipunan ng magkakaiba subalit
magkakaugnay na pangkat at institusyon.
Ang maayos na lipunan ay makakamit kung ang bawat pangkat at institusyon
ay gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin.”(Mooney, 2011)
“Ang lipunan ay kakikitaan ng tunggalian ng
kapangyarihan. Ito ay nabubuo dahil sa
pag-aagawan ng mga tao sa limitadong pinagkukunangyaman upang matugunan ang
kanilang pangangailangan. Sa tunggalian
na ito, nagiging makapangyarihan ang pangkat na kumokontrol sa produksyon. Bunga nito, nagkakaroon ng magkakaiba at
hindi pantay na antas ng tao sa lipunan na nakabatay sa yaman at
kapangyarihan.”(Panopio, 2007)
“Ang lipunan ay binubuo ng tao na may magkakawing na ugnayan at
tungkulin. Nauunawaan at higit na nakikilala ng tao ang kaniyang sarili sa
pamamagitan ng pakikisalamuha sa iba pang miyembro ng lipunan. Makakamit ang kaayusang panlipunan sa
pamamagitan ng maayos na interaksiyon ng mga mamamayan.”(Mooney, 2011)
Magkakaiba man ang pagpapakahulugan sa lipunan, makikita na ang mga
sosyologong ito ay nagkakaisa na ang lipunan ay binubuo ng iba’t ibang
institusyon, ugnayan, at kultura. Bilang
mag-aaral, mahalagang maunawaan mo kung ano-ano ang bumubuo sa lipunan.
Ang Istrukturang Panlipunan at
Kultura
Ipagpalagay na ang lipunan ay
tulad ng isang barya na may dalawang mukha: ang isang mukha ay tumutukoy sa mga
istruktura ng lipunan at ang isa naman ay tumutukoy sa kultura. Bagama’t ang dalawang mukha ay magkaiba at
may kani-kaniyang katangian, mahalaga ang mga ito at hindi maaaring
paghiwalayin tulad na lamang kapag pinag-uusapan ang lipunan.
Mga Elemento ng Istrukturang
Panlipunan
Ang mga elemento ng istrukturang panlipunan ay ang institusyon, social
groups, status (social status), at gampanin (roles).
Institusyon
Ang lipunan ay binubuo ng mga
institusyon.Ang institusyon ay organisadong sistema ng ugnayan sa isang
lipunan. (Mooney, 2011). Isipin halimbawa ang isang pangkaraniwang araw.
Magsisimula ito sa paghahanda ng mga miyembro ng pamilya para sa kani-kaniyang
mga gawain. Ang pamilya ay isa sa mga
institusyong panlipunan, dito unang nahuhubog ang pagkatao ng isang
nilalang. Mula sa tahanan, maaaring ang
ibang miyembro ng pamilya ay magtungo sa paaralan samantalang ang iba naman sa
kanila aymagtatrabaho o kaya ay mamimili ng kanilang pangangailangan. Tulad ng pamilya, ang paaralan ay nagdudulot
ng karunungan, nagpapaunlad ng kakayahan, at patuloy na naghuhubog sa isang tao
upang maging kapakipakinabang na mamamayan, isa rin itong institusyong
panlipunan. Samantala, ang mga taong
nagtatrabaho at kumokonsumo ng produkto ay bahagi ng isa pang instituyong
panlipunan – ang ekonomiya. Mahalaga ang
ekonomiya sa lipunan dahil pinag-aaralan dito kung paano matutugunan ang mga
pangangailangan ng mga mamamayan. Mula
sa tahanan hanggang sa mga lugar na patutunguhan maaaring may makasalubong kang
traffic aide, may madaanang mga tulay o kaya ay mainip dahil sa abala na dulot
ng ginagawang kalsada. Maaaring may
makita ka ring mga anunsyo ng mga programang pangkalusugan at pangkalinisan. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga
tungkulin ng pamahalaan na isa ring institusyong panlipunan. Sa pagtupad mo sa iyong pang-araw-araw na
tungkulin, naghahangad ka ng kaligtasan, nagdarasal ka na maging tagumpay ang
iyong mga gawain, at maging ligtas ang iyong mga mahal sa buhay. Lahat ng ito ay ginagawa natin dahil sa ating
pananampalataya. Ang usapin ng
pananampalataya ay bahagi ng relihiyon na isa rin sa mga institusyong
panlipunan. Ang pamilya, relihiyon,
edukasyon, ekonomiya, at pamahalaan ang itinuturing na mga institusyong
panlipunan.
Social Group
Ang mga institusyong panlipunan
ay binubuo naman ng mga social group.
Tumutukoy ang social group sa dalawa o higit pang taong may magkakatulad
na katangian na nagkakaroon ng ugnayan sa bawat isa at bumubuo ng isang ugnayang
panlipunan. May dalawang uri ng social
group: ang primary group at secondary group. (Mooney, 2011). Angprimary group
ay tumutukoy sa malapit at impormal na ugnayan ng mga indibiduwal. Kadalasan,
ito ay mayroon lamang maliit na bilang.
Halimbawa nito ay ang pamilya at kaibigan.Sa kabilang banda, ang
secondary group ay binubuo ng mga indibiduwal na may pormal na ugnayan sa isa’t
isa. Karaniwang nakatuon sa pagtupad sa
isang gawain ang ganitong uri ng ugnayang panlipunan. Isang halimbawa nito ay ang ugnayan sa
pagitan ng amo at ng kaniyang manggagawa, gayundin ang ugnayan ng mga
manggagawa sa isa’t isa.
Nagkakaroon ng hindi magandang
ugnayan ang mga bumubuo sa isang social group na nagdudulot ng ilang isyu at
hamong panlipunan. Halimbawa ang
malawakang pagwewelga ng ilang manggagawa ay isang isyung panlipunan na dulot
ng pagkakaroon ng hindi magandang ugnayan ng mga manggagawa at may-ari ng
kumpanya.
Status
Kung ang mga institusyong
panlipunan ay binubuo ng mga social groups, ang mga social groups naman ay
binubuo ng iba’t ibang status. Ang
status ay tumutukoy sa posisyong kinabibilangan ng isang indibiduwal sa
lipunan. Ang ating pagkakakilanlan o
identidad ay naiimpluwensiyahan ng ating status. May dalawang uri ng status: ito ay ang
ascribed status at achieved status .
Paano nga ba nagkakaugnay ang dalawang uri ngstatus? Maaaring makaapekto ang ascribed status ng isang indibiduwal sa
kaniyang achieved status. Halimbawa, ang
isang indibiduwal ay ipinanganak na mahirap.
Ang pagiging mahirap niya sa pagkakataong ito ay maituturing na ascribed
status. Ang ascribed status na ito ay
maaaring maging inspirasyon sa kaniyang hangarin na makatapos ng pag-aaral o
kaya ay maging isang propesyunal upang makaahon sa hirap ng buhay. Ang pagiging isang college graduate o
propesyunal ay maituturing naachieved status.
May mga isyu at hamong panlipunan na may kaugnayan sa status ng tao sa
lipunan. Karaniwan, nagkakaroon ng mas
malawak na pagkakataon sa magandang kalidad ng edukasyon ang mga taong
ipinanganak na mayaman kung ikukumpara sa mga mahihirap. Sa kabila nito, mayroon din namang mga mahihirap
na naging tuntungan ang ganitong kalagayan upang lalong magsumikap para mabago
ang estado sa buhay.
Gampanin (Roles) May posisyon
ang bawat indibiduwal sa loob ng isang social group. Ang bawat posisyon ay may kaakibat na
gampanin o roles. Tumutukoy ang mga
gampaning ito sa mga karapatan, obligasyon, at mga inaasahan ng lipunan na
kaakibat ng posisyon ng indibiduwal. Sinasabing
ang mga gampaning ito ang nagiging batayan din ng kilos ng isang tao sa
lipunang kanyang ginagalawan. Halimbawa,
bilang isang mag-aaral inaasahang gagampanan mo ang mga tungkulin ng isang
mabuting mag-aaral at inaasahan mo rin na gagampanan ng iyong guro ang kaniyang
mga tungkulin tulad ng pagtuturo nang mahusay at pagbibigay ng pagsusulit sa
klase. Ang hindi pagganap sa mga
inaasahang gampanin ng isang indibiduwal o isang grupo ay maaaring magdulot ng
ilang isyu at hamong panlipunan.
Halimbawa, ang isang mamamayan ay may tungkuling dapat gampanan sa
lipunan. Kung ito ay hindi magagampanan
nang maayos, magdudulot ito ng ilang isyu at hamong panlipunan. Tungkulin ng mga mamamayan na sumunod sa
batas ng pagtatapon ng basura. Ang hindi
pagsunod sa batas na ito ay makapagdudulot ng ilang mga suliraning
pangkapaligiran tulad ng polusyon na banta sa kalusugan ng mga mamamayan. May mga pagbabago rin sa lipunan na
magdudulot ng pagbabago sa roles ng bawat isa.
Isang magandang halimbawa nito ang pagkakaroon ng mga househusband sa
kasalukuyan. Ito ay mga asawang lalaki
na siyang gumagawa ng mga gawain sa loob ng tahanan habang ang kaniyang asawang
babae ang naghahanapbuhay. Marami ring
pagkakataon na ang asawang lalaki at asawang babae ay kinakailangang parehong
magtrabaho upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya. Makikita sa ganitong sitwasyon ang pagbabago
ng gampanin ng mga kalalakihan at kababaihan bilang tugon sa nagbabagong
panahon.
Katuturan ng Kultura Sa
pag-aaral ng lipunan, mahalagang pagtuunan din ng pansin ang kultura. Ayon kina
Andersen at Taylor (2007),ang kultura ay isang kumplikadong sistema ng ugnayan
na nagbibigay-kahulugan sa paraan ng pamumuhay ng isang grupong panlipunan o
isang lipunan sa kabuuan. Sa isang
lipunan, binibigyang-katwiran ng kultura ang maganda sa hindi, ang tama sa mali
at ang mabuti sa masama.
Pinatutunayan din ni Panopio
(2007) ang naunang kahulugan ng kultura sa pamamagitan ng pagsasabing “ito ang
kabuuang konseptong sangkap sa pamumuhay ng mga tao, ang batayan ng kilos at
gawi, at ang kabuuang gawain ng tao”.
Ayon naman kayMooney (2011), ang
kultura ay tumutukoy sa kahulugan at paraan ng pamumuhay na naglalarawan sa
isang lipunan. Samakatuwid ang ginagawa
natin sa ating pang-araw-araw na pamumuhay mula paggising hanggang bago matulog
ay bahagi ng ating kultura. May dalawang
uri ang kultura. Ito ay ang materyal na
kultura at hindi materyal na kultura.
Dalawang Uri ng
Kultura
Materyal Hindi Materyal
Binubuo ito ng mga gusali,
likhang-sining, kagamitan, at iba pang bagay na nakikita at nahahawakan at gawa
o nilikha ng tao. (Panopio, 2007) Ang
mga bagay na ito ay may kahulugan at mahalaga sa pag-unawa ng kultura ng isang
lipunan.
Kabilang dito ang batas, gawi,
ideya, paniniwala, at norms ng isang grupo ng tao. Hindi tulad ng materyal na kultura, hindi ito
nahahawakan subalit ito ay maaaring makita o maobserbahan. Ito ay bahagi ng pangaraw-araw na pamumuhay
ng tao at sistemang panlipunan. (Mooney, 2011)
Mga Elemento ng Kultura
Kung ang mga institusyong
panlipunan ay tumutukoy sa mga istruskturang bumubuo sa isang lipunan, ang
kultura naman ay tumutukoy sa kahulugan at paraan ng pamumuhay ng mga mamamayan
sa isang lipunan. Naglalarawan ito sa
isang lipunan. Nag-iiba ang paglalarawan
ng bawat lipunan batay na rin sa kultura nito.
Binubuo ang kultura ng mga paniniwala (beliefs), pagpapahalaga (values),
norms, at simbolo.
Paniniwala (Beliefs)
Tumutukoy ito sa mga kahulugan
at paliwanag tungkol sa pinaniniwalaan at tinatanggap na totoo.
Maituturing itong batayan ng
pagpapahalaga ng isang grupo o lipunan sa kabuuan. Nakakaapekto sa mga isyu at hamong panlipunan
ang paniniwala ng isang indibiduwal o pangkat ng tao.Halimbawa, ang isang
lipunang naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng mga tao anoman ang kasarian ay
magbibigay ng mga oportunidad para sa pag-unlad ng tao anuman ang kasarian
nito.
Pagpapahalaga (Values)
Ang pagpapahalaga ay hindi
maaaring maihiwalay sa paniniwala ng isang lipunan. Maituturing itong batayan ng isang grupo o ng
lipunan sa kabuuan kung ano ang katanggap-tanggap at kung ano ang hindi. Batayan ito kung ano ang tama at mali,
maganda at kung ano ang nararapat at hindi nararapat(Mooney, 2011).Bagama’t may
iba’t ibang pagpapahalaga ang bawat lipunan, marami sa pagpapahalaga ay
kanilang pinagsasaluhan. Kapag ang isang
situwasyon o gawain ay labag sa mga pagpapahalaga, itinuturing ito na isyu o
hamong panlipunan.
Norms
Tumutukoy ito sa mga asal,
kilos, o gawi na binuo at nagsisilbing pamantayan sa isang lipunan. Ang mga norm ang nagsisilbing batayan ng mga
ugali, aksyon, at pakikitungo ng isang indibiduwal sa lipunang kaniyang
kinabibilangan. Mauuri ang norms sa folkways at mores. Ang folkways ay ang pangkalahatang batayan ng
kilos ng mga tao sa isang grupo o sa isang lipunan sa kabuuan. Sa kabilang banda, ang mores ay tumutukoy sa
mas mahigpit na batayan ng pagkilos. Ang
paglabag sa mga mores ay magdudulot ng mga legal na parusa (Mooney, 2011).
Ang kawalan ng batayan ng
pagkilos sa isang lipunan ay maaaring magdulot ng kaguluhan. Halimbawa, ang mga batas trapiko ay inilaan
upang magkaroon ng kaayusan at kaligtasan ang mga tao sa lansangan. Batayan ito ng pagkilos ng mga tao. Ang hindi pagsunod sa mga batas na ito ay may
kaukulang kaparusahan.
Simbolo (Symbols)
Ang simbolo ay ang paglalapat ng
kahulugan sa isang bagay ng mga taong gumagamit dito. (White, 1949) Kung walang simbolo, walang magaganap na
komunikasyon at hindi rin magiging posible ang interaksiyon ng mga tao sa
lipunan. Ang mga halimbawa ng simbolo ay
wika, mga pagkumpas (gestures), at iba pang
bagay na nauunawan ng mga miyembro ng isang lipunan.Halimbawa, isang
gawi ng mga Pilipino ang pagmamano. Ang
gawing ito ay sumisimbolo sa isang paraan ng pagpapakita ng paggalang ng mga
Pilipino sa mga nakatatanda.
Isyung Personal at Isyung
Panlipunan
Ano nga ba ang kaibahan ng
isyung personal at isyung panlipunan? Ang mga isyung personal ay sinasabing
nagaganap sa pagitan ng isang tao at ilang malalapit sa kanya. Ang solusyon sa isang isyung personal ay nasa
kamay ng indibiduwal. Maituturing ang
isyung ito na pribadong bagay na nararapat solusyunan sa pribadong paraan. Samantala ang isyung panlipunan ay isang
pampublikong bagay. Karaniwang kaugnay
ito ng krisis o suliranin sa mga institusyong panlipunan. Mga suliranin ito na nakakaapekto hindi
lamang sa isang tao kundi sa lipunan sa kabuuan. Mahalagang malaman mo na sa
kabila ng pagkakaiba ng isyung personal at isyung panlipunan, ang dalawang ito
ay magkaugnay. Isang halimbawa nito ay
ang mga hamon at isyung pangkapaligiran. Ang makalat na bakuran ay isang
halimbawa ng isyung personal subalit kung ang isang barangay o bayan ay
magiging makalat dulot ng kawalan ng maayos na sistema ng pagtatapon ng basura,
ito ay maituturing na isyung panlipunan.
Idagdag pa rito ang masamang epekto sa kalusugan at ekonomiya ng isang
lugar kung ito ay mabaho, makalat, at walang maayos na sistema ng pagtatapon ng
basura. Mayroon ding mga isyu na may
kaugnayan sa ekonomiya. Isang magandang
halimbawang ibinigay ni C. Wright Mills (1959) ng pagkakaiba ng isyung personal
at isyung panlipunan ay tungkol sa kawalan ng trabaho. Kung sa isang komunidad na may 100,000
mamamayang maaaring maghanapbuhay ay may isang walang trabaho, maaring ituring
ito bilang isang isyung personal.
Subalit kung sa isang lipunang mayroong 50 milyong tao at 15 milyon sa
mga ito ay walang trabaho, maaari itong ituring na “isyung panlipunan”. Sa malalim na pagtingin, maaaring maging
kongklusyon na may kakulangan sa lipunan o istruktura nito na nagdudulot ng
kawalan ng trabaho ng maraming mamamayan dito.
Comments
Post a Comment